Pangako: Ang Kwento ni Donya Consolacion

A story I wrote for our Philippine Institutions 100 Class

“Manny! Go up now! Hir!”

Tinatawag nanaman niya ako! Dagling inunat ko ang aking mga braso mula sa pagkakahimbing. Minulat ko ang aking mga mata sa unang liwanag na aking natanaw mula sa maliit na bintana ng bodegang aking tinutulugan. Mga alas-sais na pala, at mukhang nasobrahan ako sa tulog. Naku, papagalitan nanaman niya ako, iniisip ko habang nagmamadaling magbihis sa aking puting camisa at kayumangging pantalon. Hala, nasuot ko pa nang baligtad ang camisa ko! Ayun pala ang tsinelas ko! Tinatawag nanaman niya ako!

Ay, oo nga pala, hindi pa ako nagapakilala sa iyo. Ako pala si Manuel. Ano ba ang masasabi ko tungkol sa sarili ko? Ako ay disi-sais anyos, nakatira sa Mariveles, sa may Bataan.

Sa ngayon, nandito ako sa San Diego. Nanunuluyan ako dito sa tahanan ni Donya Consolacion at ng kanyang maybahay, ang sarhento Smith. Mga limang taon na rin ako mula nang mapadpad ako dito at tinanggap bilang boy ng mag-asawa. Takbo rito, takbo roon, linis dito, linis doon, iyan ang trabaho ko. At sa umagang ito, dapat ay tumakbo na ako, sapagkat nadidinig kong lumalakas na ang boses ng aming Donya. Naku, kailangan ko nang magmadali!

Bukod ang aking tinutulugang bodega mula sa bahay ng Donya. Mga dalawampung metro rin ang layo ang aking bodega mula sa bahay ng Donya. Sa gitna nito ay isang palikuran para sa aming mga naninilbihan sa Donya. Sa gitna rin ay katatagpuan ang isang malawak na hardin na punong-puno ng mga dapo at San Francisco. Sa may tapat ng bahay ay ang kwartel, kung saan nanunuluyan ang mga hinuhuli ng aming amo. Sa ngayon ay nakakulong ang isang baliw doon. Naririnig ko minsan ang kanyang pagtawa nang malakas sa gabi.

Nakita ko sa aking pagmamadali si Manong Gerardo, ang hardinero ng Donya ng mga dalawampung taon na. Ang kanyang mga kamay ay malalaki para sa isang taong nasa may katamtamang katangkaran lamang. Mukhang magagaspang ito mula sa walang-tigil na pagbunot ng mga masasamang damo at pagbungkal ng lupa sa hardin. Maliban sa kanyang mga kamay, ang isang bagay na napansin ko kay Manong Gerry ay ang kanyang mga mata. Tila laging mayroong iniisip na malalim si Manong Gerry kapag nakita mo ang kanyang pagod at maitim na mga mata.

Magandang umaga po! Bati ko sa kanya. Tahimik lamang siya na tao, kaya hindi na ako nagtaka na parang tila wala siyang kibo na tumungo habang dinidiligan ang isang nakahalang na pangkat ng Bouganvilla sa may bakod. Pula ang mga bulaklak nito, ngunit ang kanyang kagandaha’y nagtatago rin ng mga tinik. Minsa’y tinangka kong pumasok dito nang isang gabi’y lumagpas ako sa curfew, at natutuhan ko ang aral na ito. Ang mga Bouganvilla ay nakatapat sa isang kakarampot na piraso ng lupa.

Sa munting piraso ng lupang ito’y nagtatanim si Manong Gerry ng mga gulay. May talong na malalaki sa may gawing tapat, may halaman ng ampalaya na umaakyat sa mga patpat ng kawayang na itinuhog sa lupa sa may gitna, may mga tangkay ng luya na lumalabas sa malambot at basang lupa sa may gawing likuran. Parang awitin ng “Bahay Kubo” ang isang mainam na pagsasalarawan sa lugar na ito na nabubukod sa tahanan ng Donya.

“Manny! Ep yo don’t comes hir instantlee, yull be sorry!”

Papunta na po ako! Isinigaw ko pabalik sa wikang Ingles. Buti nalang at marunong ako ng kaunting Ingles, kundi ay lagi akong papaluin ng Donya. Nakapasok na ako sa tahanan ng Donya. Ito ay isang bahay na gawa sa matibay at matigas na kongkreto. Kulay puti ang labas nito at mayroong mga pulang azotea bilang bubong. Malalaki ang mga bintana nito, na tila tumatawag sa araw upang pasukin ang kanyang mga kwarto ng ilaw. Ngunit madilim sa loob ng tahanan ng Donya, sapagkat natatakpan ang mga malalaking bintana ng mga malalaking kurtina. Ewan ko ba sa Donya, takot siguro sa araw, sabi dati ni Manang Nadia.

Pumanhik ako sa hagdanang-kahoy ng tahanan. Halos masira ko ito sa araw-araw na pagtakbo ko paakyat sa kwarto ng Donya, na nasa ikalawang palapag. Nang makarating ako sa magarang pintuan ng kwarto ng Donya, huminga ako nang malalim upang mahabol ang aking hininga, inikot ang tansong tanganan ng pintuan, at unti-unting itinulak ang mabigat na pintuang gawa sa mahal na kahoy ng molave. Kahit ninais kong tahimik na pumasok ay tinaksil ako ng matinis na tunog ng isang pintuang pinaglumaan na ng panahon: ginawa nanaman nito ang tunog na “Eeeee!” na siyang aking pinaka-iniiwasan sa ganitong mga panahon (mukhang masama ang gising ng Donya ngayong araw).

Magandang umaga po, Donya Consolacion, bati ko sa kanya.

“And waaaay did it tek yu long to come?!”

Nakaupo ang Donya na nakaharap sa bintanang nakadungaw sa kalyeng pinagdadaanan ng mga mangangalakal na Instik at paminsan-minsan, mga auto ng mga opisyal sa gobyerno. Katapat pala nito ang kwartel na nasabi ko sa iyo kanina lamang. Sa kung saan ako nakatayo, ang kwarto ng Donya ay madilim, ang tanging liwanag na pumapasok ay mula sa isang maliit na hiwa ng kurtina sa may bintanang dinudungawan ng Donya sa kasalukuyan. Nagpapaypay ang Donya gamit ng kanyang abanikong pula, sapagkat mainit sa kanyang kwarto gayong alas-sais pa lamang ng umaga. Kasi naman, ayaw niyang ipagbukas ang mga bintana ng bahay.

“Ayb been calling! Shawting! Yelling!”

Matinis tulad ng pintuan ang boses ng Donya. Tila laging naiinis sa isang bagay kapag siya’y nagsasalita. O kaya’y may inaalala. Parang sundalong nasa giyera ang lakas naman ng kanyang boses. Sa tingin ko’y kaya niyang makipagsabayan sa mga MP na Amerikano dito sa lugar namin sa palakasan ng boses.

Pasensya na po Ma’am, wika ko sa kanya, sa Ingles. Hindi marunong mag-Filipino ang Donya. Pero saka ko na iyon ikwekwento, sapagkat may ipinag-uutos siya ngayon.

“Yes Ma’am?”

Tumayo ang Donya mula sa kanyang upuang mayroong mahahabang kamay na kung saan maaaring isampa ang mga binti. “Recliner chair” yata ang tawag doon. Madilim sa kwarto, kaya anino lamang ng isang maitim na anyo ng tao ang aking nakikita. Patuloy pa rin ang pamamaypay ng Donya, walang pagbabago sa bilis ng pagpapagaspas ng abanikong ngayon ay naging itim sa kawalan ng liwanag. Mabagal na naglakad ang Donya tungo sa kanyang aparador na mayroong salamin.

Siguro’y napansin niya na mahirap maghanap ng isang bagay kung walang ilaw, pinindot ng Donya ang suwit ng ilaw sa tabi ng aparador. Biglang nagkaroon ng liwanag sa may aparador ng Donya mula sa isang bumbilyang incandescent. Nasilaw ako sa liwanag ng ilaw, at kinailangang ipinid ang aking mga mata ng sandali upang masanay sa ilaw. Nang aking imulat muli ang aking mga mata, nakita ko ang Donya na kumakalkal sa kanyang lumang aparador.

Kalkal dito, kalkal doon sa mga sari-saring palamuti at pampagandang nakakalat sa tapat ng salamin. Mayroong pulbo at lipstick galing sa isang tanyag na kumpanya sa Amerika, at mga pabango na hindi ko mabasa ang mga pangalan. Nang hindi mahanap ang kanyang hinahanap sa may salaminan, nagbukas naman ang Donya ng kanyang mga aparador.

Bukas dito, bukas doon sa mga kahon ng mesang nasa kanan at kaliwa ng aparador. Samut-saring mga damit ang aking nakikita: mga magagarang kasuotan na ni minsa’y hindi ko pa nakitang suot ng Donya sa aking limang taong pamamalagi rito. Mayroon rin akong nakitang mga sari-saring sumbrerong Europeo sa kaliwang aparador, at ilang mga gwantes at panyo na gawa sa seda sa may kanang aparador.

Nakita ko ang mukha ng Donya mula sa aking kinatatayuan. Liniwanagan ng mainit na incandescent ang anyo ng Donya. Payat ang pangangatawan ng Donya, at payat din ang kanyang mga braso at binti mula sa kawalan ng gana sa pagkain nitong makalipas na dalawang linggo. Magulo ang kanyang mahabang buhok. Masasabi mong tila nahanginan nang malakas sa biyahe at hindi na bumalik sa dati. Suot pa rin ng Donya ang parehong camisang pantulog na aking nakita kahapon. Sa atin lamang ito, pero ang dahilan kung bakit ayaw kong lumapit sa Donya ay dahil mayroon nang kaasimang tila sukang puti na aking naaamoy mula sa kanya.

Sa may kanang aparador ay nahanap na rin ng Donya ang kanyang hinahanap. Hindi ko nakita kung ano ito sapagkat nakatakip ang anyo ng Donya habang ito’y binubuksan. Tumingin ang Donya sa salamin, siguro upang masiguro na naroon pa ako’t naghihintay sa kanyang ipag-uutos, at ipinagpatuloy ang pagbukas sa napakahalagang bagay na iyon. Nang siya’y matapos, hinawakan niya ang bagay na iyon sa kanyang kaliwang kamay, at gamit ng kanyang matinis na boses at kanang kamay, tinawag niya ako upang lumapit.

“Manny, come hir.”

Hindi ko makita ang mukha ng Donya nang umikot siya upang ibigay ang kanyang utos. Idagdag mo pa ang nakakasilaw na ilaw ng incandescent na nakakainis sa mata ang liwanag na tinataglay.

“Hir are twenty centavos. Go buy dos nu American cigarettes ayb been seeing on dee telly latelee. Yu know, dat brand showing dos pipol on a yat smoking dem?”

May “twang” sa boses ng Donya.

“Sorry Ma’am, but I don’t know what that is.”

“Oh yeah, you hab no tee-vee. Haw silly of me. Eets a brand col’d Princeton. Get sam of dos, the litel shop, alrayt?”

Tumungo ako. Tinanggap ko ang dalawang piraso ng baryang sampung sentimo mula sa Donya. Ang kamay ng Donya’y hindi parang sa isang Donya nang aking maramdaman habang binibigay niya sa aking ang barya. Magaspang ito at matigas, siguro’y masasabi mong makinis ito at malambot kung ihahambing ang mga kamay nito sa mga kamay ni Manong Gerry.

Umikot ako patalikod at marahan ngunit tahimik na binagtas ang pintuan ng kwarto. Isinara ko nang dahan-dahan ang pintuan ng Donya. Mula sa maliit na hiwa ng pasarang pintuan, nakita kong pindutin ng Donya ang suwit ng ilaw sa tabi ng aparador. Muling nagdilim ang kwarto ng Donya. Tuluyang kong isinara ang pintuang molave.

Bumaba ako sa hagdan. Naririnig ko ang tunog ng lumang kahoy na tinatapakan. Sa may paanan ng hagdan ay nagwawalis si Manang Nadia. Magandang umaga po, bati ko sa kanya. Ang aga niyo naman pong magwalis?

“Ah, oo. Bawal kasi magwalis sa gabi, baka maisama ang swerte kasi.”

Mapamahiin si Manang Nadia. Kung makikinig ka sa kanya’y marami kang matututuhan tungkol sa mga pamahiin. Sa ngayo’y alam na rin niya ang mga pamahiin ng mga Amerikano dito sa lugar. Bawal daw bumasag ng salamin, kundi pitong taon kang mamalasin, bawal ang maglakad sa ilalim ng hagdan (kaya laging inaaaway ni Manang Nadia si Manong Gerry, kasi lagi niyang naiiwan ang bakal na hagdan na nakasampa sa may tabi ng bahay na kung saan laging napapadaan si Manang Nadia), at kapag dinaanan ng itim na pusa ay tumakbo na’t baka habulin ka ni kamatayan.

Malusog at masigla si Manang Nadia. Makikita ang kalusugan sa kanyang matataba at mapupulang mga pisngi. Hindi ko masisisi si Manang Nadia, sapagkat sa buong San Diego, sa tingin ko’y siya ang pinakamagaling na magluto. Tinanong ako ni Manang Nadia kung nakakain na ba ako, at sinabi ko na hindi, kaya’t inalok niya ako na sabayan siya sa kanyang agahan. Hindi ako makatanggi, sapagkat kumakalam na ang tiyan ko sa mga panahon na iyon.

Inilapat ni Manang Nadia ang walis sa tabi ng pintuan ng bahay. “Para hindi pumasok ang masasamang espiritu rito.” Sabi niya.

Naghain ng tinapa at kaunting sinaing na kanin si Manang Nadia. Mabilis kong naubos ang inihain. Habang kumakain, nagkwento si Manang Nadia sa akin.

“Manny, narinig mo ba yung nangyari nung isang araw?”

Hindi po, sagot ko, ano po ba ang nangyari?

“Nag-aayos kasi ako ng mga plurera dito sa baba ng bahay noong Huwebes ng gabi. Nadatnan kong umakyat ang sarhento. Binati ko siya, tinanong kung nais niyang kumain. Hindi daw, sabi niya. Tapos nung narinig kong magsara ang pintuan sa kwarto ng Donya, narinig kong nagsisigawan ang dalawa. Ingles ang sinisigaw kaya hindi ko maintindihan. Sa tingin ko ay mga insulto ang binabato sa mga tono ng boses nila. May narinig akong ‘BOG! BOG! BOG!’ (inilapat ni Manang Nadia ang kanyang kamao sa lamesa upang gayahin ang tunog) Tapos isang malakas na ‘BAAAG!’ Hala, bumaba nanaman ang sarhento, sabi lalabas daw ulit.”

Nang matapos ko ang aking kinain, sinabi ni Manang Nadia na siya na ang bahalang magligpit ng platong nagamit ko. “Hala, humayo ka na’t baka biglang sumpungin ang Donya! Gawin mo na ang inuutos niya’t ako na’ng bahala rito.” Nagpasalamat ako kay Manang Nadia at tumungo sa labasan ng bahay.

Mga alas-sais y medya na ng umaga, at umiingay na sa may tapat ng bahay ng Donya. May ilang mga mangangalakal na dumaraan at inilalako ang kanilang mga bentahin. ‘Pot pot!’, narinig ko ang tunog ng torotot ng nagbebenta ng puto sa may malapit na kalye. Inunat ko ang aking mga braso, at sinimulan ang paglalakad.

Sementado ang daan na aking nilalakaran. Nararamdaman ko ang gaspang ng kalye sa pagkiskis ng aking tsinelas sa aspalto. Ang daan na aking nilalakaran ay isang bagay daw na mabuting nangyari dito sa San Diego. Naikwento sa akin ni Manang Lydia, ang labandera sa tahanan ng Donya, na mayroong dalawang uri ng daan dito sa San Diego.

“Bago pa dumating dito ang mga Amerikano, may dalawang uri ng daan dito sa San Diego. Ang unang uri ng daan ay maalikabok, na nangyayari sa tagtuyot, at ang ikalawa ay ang maputik, tuwing tag-ulan.”

Pareho raw silang perwisyo sa mga tao rito, lalo na kay Manang Lydia, na dati’y kailangang dalhin pa ang lahat ng mga damit sa isang malapit na sapa upang magawa ang kanyang trabaho.

“Ngunit sa panahong ito,” sabi ni Manang Lydia, “mayroon nang pump ng tubig at washing machine ang Donya, kaya hindi na ako mahihirapan sa trabaho ko sa ngayon.”

Washing machine, pridyider, de-elektrikong plantsa, ano pa ba ang susunod? Mukhang nawili nga ang Donya sa mga ito. “American products are far more superior than those products made by those sniveling commoners!” dati’y narinig kong kanyang sabihin sa telepono.

May sabi-sabi dito sa San Diego na dati’y labandera si Donya Consolacion. Nagbubulong ang ilang taong hindi siya gusto ng “Donya Labandera” tuwing sila’y napapadaan sa bahay. Kaya tinanong ko si Manang Lydia tungkol doon, at naikwento niya sa akin dati:

“Oo, magkasama kami dati ni Consolacion sa trabaho.”

“Kamusta naman po ang trabaho ninyo?”

“Noong wala pa ang mga Amerikano dito, patok na patok kami sa mga mayayamang Kastila na nagpapalaba ng kahit ano mula sa panyo hanggang sa mga malalaking kurtina ng kanilang mga bahay. Kasama ko si Consolacion at iba pang mga kababaihan sa paglalaba. Nang dumating dito ang mga Amerikano, may isang Amerikanong GI, si Private Smith, na nahalina kay Consolacion. Naglalakad kami noon buhat-buhat ang mga damit na ipinagpapalaba sa amin nang makita ng sarhento si Consolacion. Ayun, sinimulan na siyang ligawan mula nang makita niya ang Donya.”

“Noong mga araw na iyon, mayroong isang lalaking nagngangalang Tonyo na nanliligaw kay Consolacion. Maniniwala ka ba na siya ang isa sa mga pinakamagandang dalaga dito sa San Diego… dati? Tumigil ka sa kakatawa riyan at baka marinig ka, hala.”

Masisisi niyo ba ako?

“Sandali lang, tulungan mo ako ihiwalay ang puti sa de-kolor. Ayan. Nasaan na ba ako? Ah, oo, si Tonyo. Kayumangging balat, panot ang ilong, at malapad ang noo. Hindi siya ka-gwapuhan, pero makisig ang kanyang mga brasong masipag sa pagsasaka. May gusto siya kay Consolacion. Sayang, kung ako nalang sana ang niligawan niya’y hindi ako tatandang dalaga, hahaha!”

Tumahimik nang sandali si Manang Lydia. Tumingin siya sa malayo.

“Mahal na mahal ni Tonyo si Consolacion. At alam namin na kahit hindi siya ang pinakagwapong lalaki sa mundo, minahal din ni Consolacion si Tonyo. Kaya alam mo Manny, hindi ko talaga alam kung bakit pinakasalan niyang si Consolacion ang sarhento. Nang linggo na hiningi ng sarhento ang kamay ng Donya, tinanong sa kanya ng isang malapit na kaibigan kung mahal ba talaga niya ang sarhento. Sabi niya na hindi, ngunit matututuhan daw niyang mahalin siya sa pagdating ng panahon. Ayun, nagpakasal ang dalawa. Si Tonyo naman ay matagal nang lumipat sa ibang lugar. Hindi kinaya ang nangyari.”

Paabot ng sabon, diyan sa tabi ng lababo, hiling ni Manang Lydia. Tumayo ako sa mababaw na silyang aking inuupuan upang kunin ang sabong panlaba.

“Bago ng kasal nila, naikwento ng kaibigan ng Donya na sinusubukang turuan ng sarhento ang Donya ng Ingles para sa kanilang kasal. Sinubukan ng sarhento na turuan ang Donya ng mga salitang Ingles para sa kasal, pero mukhang nainis lamang ang sarhento dahil hindi masabi ng Donya ang mga salita. Dahil hindi nga magkaintindihan yung dalawang iyon, ang naituro lamang ng sarhento sa Donya ay sabihin ang ‘I do’. Kaya ‘I do’ lang nang ‘I do’ si Consolacion nang sabihin ng paring nagkakasal: ‘If anyone wishes to speak their reason that these two may not be wed, speak now or forever hold your peace.’ Naku, kung nakita mo lamang ang mukha ng paring iyon. Sige na Manny, ako na ang bahala rito. Sa tingin ko’y tinatawag ka na ng Donya…”

Naghihintay ako sa may tawiran. Mayroong mga kotseng Ford na dumadaan. Nakasakay rito ang mga taong maykaya: mga haciendero, pulitiko, kabit ng mga pulitiko, artista, kabit ng artista. Magagara ang kanilang mga kasuotan. Mayroon akong nakitang isang babaeng nakasuot ng sumbrerong malapad ang panakip at gwantes na seda. Mayroon ding dumaraang mga kalesa. Naririnig ko ang ‘Klok klok klok’ sa bawat pagtapak ng kabayo sa sementadong daanan. May isang batang nakabisikleta na malapit sa kinatatayuan ko. Dala niya’y mga dyaryo sa araw na iyon. Nakita ko sa unang pahina: “Tydings-McDuffie Act Approved!” Sa may kabilang kanto ay mayroon akong nakitang isang maliit na nene, nagbebenta ng mga sampaguita sa mga taong nagdaraan. May isang matandang babaeng bumili sa kanya ng isang kwintas ng bulaklak.

‘Prrrrt!’ At tumingin sa akin ang pulis na nangangasiwa ng trapiko. Maaari na raw akong dumaan. Kaya’t tumawid ako nang marahan habang tumatakbo naman ang mga kotse at mga kalesa na nakahanay sa aking nilalakaran. Sa aking pagtawid ay nadaan ako sa mababang paaralan ng San Diego. Narinig ko ang mga batang nagbibigkas ng Abakadang Amerikano.

“A is for apple, B is for boy, C is for cat…”

“Very good children. Let us proceed with our counting lesson…”

Mapalad ang mga batang nag-aaral sapagkat malayo ang kanilang mararating. Nakapag-aral din ako dati, kahit naudlot nga lang dahil sa hindi ko malamang dahilan. Natuto akong magbasa at magsulat dati dahil binigyan ako ng pagkakataon ni Don Crisostomo Ibarra upang magawa ito.

Isang beses ko lamang siya nakita, nang dumalo kami ni nanay at ng aking nakababatang kapatid sa paglagay ng panulukang batong magsisilbing haligi ng paaralan. Sa kasamaang palad ay nagkaroon ng isang malungkot na aksidente noong araw na iyon.

Marami sa aking mga kababata ang pinigilan ng kanilang mga magulang na mag-aral, sapagkat senyas daw yun galing sa Diablo. Sabi nila na walang magagawa ang edukasyon kundi ilihis sa daan ang mga kabataan. Ngunit sabi ni nanay sa akin:

“Manuel, mayroong dalawang uri ng edukasyon. Ang una ay nagdudulot ng pagkakagapos ng isang tao sa kamangmangan. Ang ikalawa ay nagdadala ng kalayaan.”

Kaya’t nag-aral nga ako. Natuto akong magbasa at magsulat ng kaunting Ingles. Hindi ko man kaya unawain ang mga salitang mas malalim pa sa mga bangin ng mga bulubundukin, mabuti na rin at hindi ako nagmumukhang walang alam kapag kinakausap ng mga taong marunong sa wikang ito. Mga dalawang taon din ang lumipas bago umalis ang aming guro nang tawagin siya ng mga Amerikano upang magturo sa ibang bayan. Ang pumalit sa kanya’y isang Thomasite. Natigil ako sapagkat kinailangan kong magtrabaho para sa nanay at kapatid ko.

Kaya nandito ako ngayon, sa tapat ng pamilihan ng San Diego. Ang may-ari ay isang Amerikanong nakapag-asawa ng isang Pilipina. Pumasok ako sa loob ng maliit na gusaling abala sa pagbenta at pagbili. Kung anu-ano ang binebenta rito: mga de latang cornbeef, spam, at luncheon meat na imported mula sa Amerika. Sa tabi nito’y nakapila ang ilang mga kagamitang pampaganda: pulbos, lotion, shampoo at sabon na pawang imported mula sa ibang bansa.

Nasaan na kaya iyong sigarilyong Princeton na pinapabili ng Donya? Tanong ko sa aking sarili. Naglakad ako sa mga pasilyo ng pamilihan. Nang mahanap ko ang tatak na binilin sa akin ng Donya, kumuha at ng isang kaha nito. Kasama sa hanay ng mga sigarilyo ay hanay ng mga bote ng mamahaling alak: Sherry, Gin, Brandy, Cognac, mga alak na mula rin sa US. Imported.

Tumungo ako sa bayaran ng bilihin sa loob ng pamilihan. Pinili ko ang pinakaiksing linya na aking makita. Nakapila ako sa hanay na mayroong tatlong tao. Tahimik akong naghintay habang ikinakarga ng unang tao ang kanyang mga bilihin sa bayaran upang ikwenta. Sa tapat ko ay mayroong dalawang ale na mukhang may pinagtatalunan. Lumapit ako upang marinig ang kanilang usapan.

“Alin daw ang mas maganda sa dalawang sabon?” ani ng isa.

“Yung imported, syempre!”

“E pareho silang imported e! Paano ba ito?”

Pinili ng ikalawang ale na bilhin ang sabong “mas kilala at mayroong pangalan”. Pagkatapos ikwenta ang kanyang mga nais bilhin, nagpaalam siya sa kanyang kaibigan. Matapos ng ale sa aking tapat ay kinwenta naman ang Princeton cigarettes na hawak-hawak ko sa aking kaliwang kamay. Inabot ko ang produkto sa tagabenta.

“That’ll be 20 centavos please.”

Ibinaon ko ang aking kanang kamay sa aking kanang bulsa. Kumakalansing ang mga baryang nagbabangaan sa loob ng aking bulsa. Inilabas ko ang dalawang pilak na barya at ibinigay sa ale. Nagpasalamat ako nang iabot niya ang resibo sa akin.

“Thank you, please come again.”

Mga alas-otso na ng umaga nang mabili ko ang mga sigarilyo ng Donya. Maliwanag na ang kapaligiran at unti-unting tumataas ang araw sa kalangitan. Nagbalik ako sa parehong daanang aking tinahak patungo sa pamilihan.

Pinanhik ko muli ang hagdanang kahoy patungo sa silid ng Donya. ‘Tok tok tok’, ang tunog sa kahoy na molave. Ipinihit ko ang tansong tanganan ng pinto, at pumasok sa kwarto ng Donya. Nakaupo siya sa tapat ng bintana, nakatingin sa malayong lugar. Ano kaya ang iniisip ng Donya, minsa’y naitatanong ko sa aking sarili. Para sa isang taong masagana sa buhay, marami siyang alalahanin.

“Excuse me, Ma’am, here is the cigarette you had me buy.”

Iniabot ko ang kaha ng sigarilyo. Tumingin ang Donya sa akin. Bakas ang pagod sa kanyang mukha. Mayroong mga maiitim na bilog sa ilalim ng kanyang mga matang tila napupuno ng apdo sa lahat ng bagay na naglalakad. Ang kanyang noo’y kababakasan ng mga linya at mga maliliit na kulubot na maaaring sanhi ng kaiisip sa mga bagay-bagay. Panot ang ilong ng Donya, ngunit nang humarap sa akin ang Donya noong mga panahong iyo’y nakataas ang kanyang ilong. Nakasimangot siyang tumingin sa akin.

“And waaay deed it teyk you sats a prutracteed amaont of taym por dees masterpes?”

“I’m sorry ma’am, there were a lot of people in the store.”

Kinuha niya ang kaha mula sa aking mga kamay. Mukhang magaspang ang kanyang mga palad.

“Manny, du you tink I am beyutipul?”

Hindi ako makaimik. Parehong sagot ay talo ako. Alam ko ito mula sa karanasan.

“Get awt, naw!”

Lumabas ako mula sa kwarto ng Donya. Isinilid ko ang kanyang pintuan at bumaba sa hagdanang kahoy. Nag-igib ako ng tubig mula sa poso, at binilisang maligo. Kailangan kong tulungan si Manang Nadia sa paglinis ng bahay. Kailangan na kasi niyang magsaing para sa tanghalian mamaya. Bakit ka pa nagluluto, tanong ko, kung hindi naman kumakain ang Donya? “E baka biglang magbago ang isip at bumaba e, sagot niya sa akin.”

Laging Ingles ang wikang ginagamit ko sa pakikipag-usap sa Donya. Tuwing napapa-Filipino ako, tinitingnan ako ng Donya nang pakutya at magbibitiw ng mga salitang sa tono’y napapansing kong hindi mabuti ang ipinapahiwatig. Isang beses nga, noong minsa’y nagamit ko ang pagbati ng “Magandang umaga po!” nang dumaan ang Donya sa salang nililinis namin noon, sinabi niya “I downt anderstand wat yor seying.”

Matapos tulungan si Manang Nadia sa mga gawaing bahay, naghanda na ako upang magpahinga. Dapithapon na nang matapos kaming maglinis sa bahay na hindi naman dinadaanan ng ni isang bisita. Pagkatapos ng hapunan, tinulungan ko si Manang Nadia sa pagligpit ng mga pinggan at nagtungo sa bodega upang magpahinga. Walang buwan sa gabing ito.

Nagising ako bigla sa isang malakas na boses na sumisigaw: “Gerry! GERRY!!! Come hir dis instant!” Nakita ko sa kadiliman ang anyo ng isang lalaking marahang tumatakbo sa direksyon ng bahay ng Donya. Minabuti ko na ring magtungo roon upang makatulong kung kinakailangan. Hinanap ko ang aking tsinelas sa madilim na bodega, sinuot ito at nagtakbo patungo sa lumang bahay.

“Pek ap dat wooman sin-ging at da jeylhows!”

Mayroong malamig na boses na bumabasag sa katahimikan ng gabi.

“Sa aking sinapupunan ikaw ay nagmula,
Isang biyaya mula sa Maykapal.
Ikaw ang aking tuwa, aking ligaya’t sigla,
Aking tanging anak na minamahal…”

Tumawid kami ni Manong Gerry sa sementadong daan na di kakikitaan ng ni isang buhay na kaluluwa. Malungkot ang tinig na aking narinig habang papalapit sa kwartel. Sino kaya iyong kumakanta? Napakaganda ng kanyang boses, ngunit puno ng hapis at pighati ang kanyang mga titik na inaawit. Sinalubong kami ng isang gwardiya. Nakasuot siya ng kanyang unipormeng pangmilitar. Sa kanyang kaliwang kamay ay nakabalot ang kanyang nakagwantes na palad sa riple. “Who goes there?” Nagpakilala kami ni Manong Gerry, at pinapasok.

Isang bumbilya lamang ang nagbibigay-liwanag sa malamig na kwartel. Sinundan namin ang boses.

“Luha at dugo’y aking puhunan
Upang ikaw ay hindi maparaya
Sa malungkot na landas ng kasamaan
Sa halip ay ganap na lumaya…”

Isang babae ang kumakanta. Sinabi ni Manong Gerry sa guwardiya na ipinapatawag siya ng Donya sa kanyang silid. Walang tanong na binuksan ng guwardiya ang seldang kinalalagyan ng babaeng nakadamit ng punit punit at maruruming tela. Pumasok ang guwardiya sa loob ng silid at ginapos ang babae.

Biglang tumahimik ang babae. Tumingin sa guwardiya. Ibinaling ang kanyang mga mata sa akin. Tumingin siya sa aking mata. Nakita ko ay mga mata ng isang batang walang muwang sa mundo. Nang igapos ng guwardiya ang kanyang mga kamay gamit ng mga tanikalang bakal, nakita ko ang bakas ng lungkot sa kanyang mga mata, na tila nagsusumamong pakawalan at pabayaan sa kanyang pag-awit.

Kasama si Manong Gerry at ang guwardiya, dinala namin ang babae patungo sa bahay ng Donya. Nasanay ang aking mga sa kadiliman, at madali kong nakita ang daan na iniilawan ng mga munting tala sa kalangitan. Tahimik lamang ang babaeng dinadala namin. Para siyang ibon na nalagay sa hawla na nawalan ng pag-asang lumipad nang malaya muli.

“Here is the prisoner, Ma’am.”

“Tenk yu.”

Nasa loob kami ng silid ng Donya. Nakatayo siya sa harap ng babaeng pinaluhod sa sahig.

“Now, seng! Seng you crayzee wooman!”

Walang bakas na makikita sa mukha ng babae. Hindi niya naiintindihan ang Donya.

“Seeng!!! Seeeng!!!”

Wala pa ring imik. Tiningnan ako ng Donya.

“You! You naw haw to ispik Felipino rayt? Tel dis retard to seeng!”

Tumingin ako sa babae. Muling ibinaling niya ang kanyang tingin sa akin. Muling nakita ko ang mga malulungkot na mata.

“Ate, kumanta po kayo.”

Nakita ko ang tuwa sa mata ng babae. Agad niyang tinupad ang aking hiniling. Kumanta siya ng isang matamis ngunit malungkot na kundiman.

Tungkol ito sa dalawang magkasintahan na nangakong iibigin ang isa’t isa kahit anuman ang mangyari. Sa awit ay isinalaysay ng babae na binigyan ng lalaki ang kanyang kasintahan ng isang laket upang hindi niya ito makalimutan hanggang siya’y makabalik mula sa kanyang paglalakbay. Sa kanta’y isinalaysay na lumubog ang bapor na sinasakyan ng lalaki. Sa malamig na tubig ng karagatan ay nalunod ang lalaki, ngunit hindi bago niya masambit ang pangalan ng kanyang sinta.

“Tama na. TAMA NA!!!”

Sumisigaw ang Donya. Nilapat niya ang kanyang mga palad sa kanyang mga tainga. “Tama na, ayaw ko nang marinig ang kantang iyan!” kanyang sigaw. Natahimik ang babae. Nagtatatalon ang Donyang sumisigaw na itigil ang pagkanta. Sa itsura ng Donya’y mapagkakamalan siyang isang payaso, kaya’t mauunawaan mo kung bakit nagtatawa ang babaeng baliw sa aking harapan.

Nakatingin lamang si Manong Gerry sa nangyayaring munting kaguluhan. Hindi ko natiis na ibulong sa kanya: “Manong Gerry, marunong pala magsalita ng Filipino ang Donya eh!”

May sumampal sa aking pisngi. Narinig ng Donya ang aking nasabi. Madilim ang kanyang mukha. “AWT! AWT! OL OP YOU! AWT!!!!”

Mainit ang aking kaliwang pisngi. Nang isara ng guwardiyang aming kasama ang pintuan, narinig ko ang tinig ng isang ponograpo. Isang masayang awiting Jazz ang inaawit. Hindi ko marinig ang sinasabi ng Donya sa loob ng silid. Nahalo sa musika ang tunog ng mga kabog at hampas ng latigo. Mayroong umiiyak na babae. Mayroong tumatawa. Patuloy ang pagtugtog ng ponograpo.

“Manuel, bumalik ka na sa tulog. Huwag ka na muna magpapakita sa Donya’t baka pagbuhatan ka niyon ng kanyang kamay.”

Hindi ako makatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, naglilinis muli kami ni Manang Nadia sa bahay ng Donya. Mayroon akong narinig na katok sa malaking pintuan ng tahanan.

“Manuel, buksan mo naman iyon para sa akin o?”

Opo, sagot ko. Nagtungo ako sa pangulong pintuan ng bahay at binuksan ang susian nito. Pagbukas ng pintua’y sinalubong ako ng malaking anyo ni Sarhento Smith. Sa likod ng liwanag ng daan ay tila isang nakakasilaw na rebulto ang Sarhento. Ang kanyang buhok ay kakulay ng araw sa tanghaling tapat. Puti ang suot niyang uniporme, iba sa suot ng mga guwardiya sa kwartel. Pumasok siya sa bahay. Inilapat niya ang kanyang kamay sa aking ulo. “Manny, you’re a good boy.” Dumaan siya. Nakita ko na nakabalot ang kanyang kanang palad sa isang pirasong papel na mukhang bago. “Bog, bog, bog…” Narinig ko ang pagpanhik ng sarhento sa itaas ng hagdan.

Ipinagpatuloy ko ang aking pagwawalis. Natigil ako sa aking gawain nang makarinig ako ng isang malakas na kabog. Mga boses na nagsisigawan, puno ng galit at pagkasuklam. May nabasag yata. May nahulog sa sahig. Mabigat, parang katawan yata, Naku, ayaw kong malaman kung ano. Kasingbilis ng kanyang pagdating ang kanyang pag-alis. Tahimik na naglakad ang Sarhento, walang imik. Wala na rin ang papel sa kanyang dalang papel sa kanang kamay.

Nang dapithapon, tinawag ako ng Donya. Umakyat ako sa kanyang silid. Dahan dahan kong isinara ang pintuang molave.

Nakatingin ang Donya sa paglubog ng araw. Nakita ko ang isang anyo na nababalot sa pula at lila.

“Manny, maganda ba ako?”

Narinig ko ang boses ng Donya. Malinaw, nagsususmamo, napupuno ng lungkot. Hindi ito tulad ng kanyang boses na may ‘twang’ at nangungutya. Hindi ako umimik.

“Dalawa silang nagsabi sa akin na mamahalin nila ako. Papahalagahan sa bawat araw na sila’y mabubuhay. Nasaan na ang pangako?”

Tahimik sa loob ng silid ng Donya. Nakita ko ang mga nahulog na papel at palamuti at iba’t iba pang kagamitan sa sahig. Ang aparador ng Donya’y nakahiga, basag ang salamin nito’t nakakalat ang mga bubog.

“Bumili ka ng sigarilyo sa pamilihan. Dalian mo’t baka pagsarhan ka. Ang pera ay nandyan sa… sa aparador.”

Hinalungkat ko ang mga bubog sa nahulog na aparador. Dalawampung sentimo. Lumabas ako sa kwarto ng Donya at dahan-dahang isinilid ang pinto. Bago ko tuluyang maisara ang pinto’y narinig ko ang isang mahapding pagtangis.

“Tonyo.” isinambit nito.

+++

Ilang taon na rin ang lumipas ang nangyaring iyon. Pagkatapos ng araw na iyon ay binigyan kami ng aming sahod at pinaalis sa bahay. Umuwi na si Manang Lydia sa kanyang probinsya para alagaan ang kanyang mga apo. Si Manong Gerardo naman, nagtungo sa Maynila upang makipagsapalaran. Ang huling balita ko kay Manang Nadia ay binawian siya ng buhay sa kanyang pagtulog.

Sa ngayon, nagtratrabaho na ako bilang isang tagapaghatid ng mga diyaryo sa mga sumuskribing tahanan. Mayroong balita sa diyaryo ngayon. Nakasulat ang kwento ng isang babaeng nagpakamatay.

Mabasa ko nga.

Advertisements
Previous Post
Next Post
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    April 2010
    S M T W T F S
    « Mar   May »
     123
    45678910
    11121314151617
    18192021222324
    252627282930  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.
    -Jian Narag, 2005-2017
%d bloggers like this: