Marta

“Hoy, Marta! Magpalit ka nga ng damit at mukha kang prosti!”

Hindi ko na natiis pa ang mga salitang nasambit ni Inay. Ako, isang kolehiyala mula sa isang kilalang unibersidad, ay mapagkakamalang kauri ng mga namumuhay sa kalakaran ng laman? Hindi! Masyadong makaluma kasi si Inay. Nabuhay sa panahon kung saan ang kaunting saglit na makita lamang ang braso ng isang babae’y mapagkakamalan na siyang puta. Ang mga panahon na kung saan ang isang babae’y walang kalayaan at kasarinlan.

Nakasuot ako ng isang miniskirt at tank top noong gabing iyon. Malamig, kaya’y nagdala ako ng isang dyaket na maisusuot sa labas. Sinundo ako ni Jason, ang aking boyfriend, noong mag-aalas otso na, kaya’y pinalad ako na makaiwas sa pakikipagtalo kay Inay. Palihim na lamang akong tumakas habang siya’y tumungo sa itaas ng bahay upang magpalamig ng ulo.

“O, saan mo gustong pumunta?”

Sa Libis, sagot ko.

“E, mahal doon e! Para lang sa mga sosyal ang lugar na ‘yon!”

Ang cheap mo talaga, sabi ko. Tumawa na lamang si Jason.

Tatlong buwan na rin noong nakilala ko siya. Nagkita kami sa isang party, nagkakilala, at nahulog sa isa’t isa. Nasa kanya ang hinahanap ng bawat babae, may katangkaran, malakas, at mayaman. Mapalad ako, isang babae mula sa isang ordinaryong pamilya, na nakilala siya. Kinainggitan nga ako minsan ng mga kaklase ko tuwing nakikita nilang sinusundo niya ako mula sa unibersidad. Mabait siya, iyon ang akala ko, sapagkat dinadalhan niya ako ng mga rosas, tinatawagan sa selpon na iniregalo niya sa aking kaarawan noong buwan na kami’y nagkakilala, at sa mga araw na walang pasok ay inilalabas niya ako’t iniikot sa siyudad.

Narinig ko ang isang pamilyar na tunog sa aking bag. Mayroong nagpadala sa akin ng mensahe sa selpon.

“Umuwi ka ngyn.”

Mula kay Inay. Hindi niya nauunawaan. Hindi niya mauunawaan. Kaya’t ako’y nagsinungaling. Sinabi ko sa kanya na kasama ko si Mely, ang aking matalik na kaibigan, sa isang party. Kapag nalaman ni Inay na ako’y nakikipagkita sa isang taong hindi niya kilala, ay, baka anong masama pang mangyari sa akin!

Muling tumunog ang aking selpon. Mayroong tumatawag. Si Mely.

“Marta, tinetext ako ni Tita.”

“Pakisabi nalang na papunta na tayo’t nakakahiya namang iikot pa ni Kuya Ruben ang kotse.”

“E, paano kung hindi tumigil?”

“Patayin mo nalang ang selpon mo. ‘Wag mong pansinin. Basta, sabihin mo, kasama kita.”

“Marta…” biglang hina ng kanyang tinig, “huling beses ko na ito gagawin ha. Ayaw ko nang dayain pa si Tita e. Atsaka, mula nang makilala mo iyang si Jason, hindi na tayo masyadong lumalabas. Mag-ingat ka.”

Nasaktan ko pala si Mely. At si Inay, siguradong galit.

“Sino ‘yun?”

“Ah, wala. Si Inay at si Mely lang”

Pinatay ko ang aking selpon.

Tumungo kami sa isang maliit na KTV bar sa may Ermita. Medyo matrapik sa daan. Ilang bus ang kinailangang iwasan ni Jason upang hindi mabangga ang kanyang halos bagong kotse. Sa istasyon ng tren, iilang dyip ang naghihintay para sa mga pasaherong bababa. Sa kaliwa’t kanan, mga nagbebenta ng kung anu-ano: prutas, mga borloloy, payong, rubber stamp, mga maliliit na halamang nakapaso, sigarilyo’t kendi, mga batang nakayapak na nagbebenta ng sampaguita, samu’t saring taong sinusubok ang kapalaran sa gitna ng daan. Dumaan kami sa aking kolehiyo sa daan, kung saan kami’y natagalan sapagkat napakaraming tumatawid. Ngunit nakarating rin kami, magdadalawang oras mula nang ako’y sinundo sa bahay. Nang kami’y nakaupo’y nilapitan kami agad ng waiter.

“Ano’ng gusto niyo sir?”

“‘Yung hard lang.” sagot ni Jason.

Uminom kami kasabay ng malalakas na tugtugin ng mga kantang inaawit ng mga hindi pinalad na madiscover at gawing artista. Mayroong ilang magagaling, tulad ng kalahating lalaking gumawa ng impersonation ni J. Lo, at ibang kumanta na lamang upang mabuhay. Mga boses na matitining, mga boses na matataas, musikang hindi nagbibigay ng pagkakataong makipag-usap ang dalawang taong nagdadate. Kaya’t matapos ng huling shot, sinabi ko kay Jason na ako’y pagod na, at nais nang umuwi.

Wala naman akong nakitang problema sa kanyang mukha. Agad kaming umalis pagkatapos niyang magbayad sa waiter. Wala nang gaanong kotse sa daan. Kaunting bus at dyip na lamang ang nangangarera sa daan, na kinailangang iwasan. Medyo lasing si Jason, ngunit nagawa pa rin niyang hindi tamaan ng mga nagmamadaling sasakyan. Sa daan, wala na gaanong naglalakad. Siyempre, delikado kasi sa Maynila, lalo na sa gabi. Ngunit sa loob ng bakal na hawlang gumagalaw sa gulong ay ligtas kami. Ligtas ako mula sa kapahamakan ng mundo sa labas.

Ipinarada ni Jason ang kotse sa isang madilim na eskinita, isang eskinitang walang kaluluwang matatagpuan, malayo mula sa sangkatauhan. Lasing daw, sabi niya, at hindi na niya kayang magmaneho pa.

“Ang ganda mo ah.” sabay haplos sa aking binti.

Jason, sabi ko, lasing ka.

“Ang sexy, sexy mo pa.”

Ano ba, sabing lasing ka e!

“Sa tagal na nating magkakilala, dapat-”

Kung sana’y hindi na lamang ako nagsuot ng ganitong uri ng damit, kung hindi na lamang sana ako nagsinungaling, kung dati pa’y nakita ko na na mangyayari ito, kung hindi sana ako nabulag ng isang sakang na pag-ibig!

Sinubukan kong tumakas. Ngunit nadakma niya ang aking kanang braso mula sa pagbukas ng pintuan. Hinila niya ako patungo sa kanya. Ako’y sumigaw, nagwala, nanlaban. Kinalmot ko ang kanyang mukha, kinagat ang anumang parteng makakapitan ng aking ngipin. Hinawakan niya ako sa buhok, sinabunuta’t sinuntok ang aking sinapupunan. Ilang luha, mula sa pinaghalong galit, takot, at lungkot ang pumatak mula sa aking mga mata at dumaloy sa aking mga labi. Ako’y nanghihina na. Hindi kinaya ng aking katawan ang lakas ni Jason. Tinakpan niya ang aking bunganga, tumigil ang aking pagsigaw. Gamit ng isang kamay, hinawakan niya ang dalawang tagapagtanggol at inipit sa may upuan ng sasakyan. Sinimulan ang aking pagdurusa.

At nangyari ang ninais niyang mangyari.

Isang magulong gunita na lamang ang naaalala ko matapos niyon. Ang aking katawan ay natagpuan na lamang sa umaga ng isang mambobote sa eskinita, na tumawag ng pulis. Ilang pulis ang tumungo sa lugar ng krimen. Kumuha ng ebidensya, ilang litrato dito at doon. Nahihilo ako, sabi ko, ngunit tila walang nakarinig. Binuhat ako sa isang stretcher at dinala sa ospital.

Kadiliman. Wala akong naramdaman kundi paglutang sa kawalan ng kalawakan.

“Oo, siya ho ang anak ko.”

Si Inay! Inay, Inay! Nais kong humingi ng patawad! Humingi ng patawad sa pagiging masamang anak, na hindi sumunod sa kanya, bagkus ay tinutulan siya.

“Kasama ho niya ang isang lalaki kagabi.”

Si Mely! Mabuti’t nakapunta siya! Nais kong pagyamanin uli ang aming pagkakaibigan! Ngayon at ako’y nangangailangan ng isang makakaunawa, isang makikiramay.

Napakarami kong ninais na sabihin, ngunit hindi ko nasabi. Ang kadiliman na bumabalot sa aki’t kinuha ang aking kakayahang makakita’y ipininid na rin ang aking mga tainga.

Katahimikan.

Advertisements
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    April 2008
    S M T W T F S
    « Mar   May »
     12345
    6789101112
    13141516171819
    20212223242526
    27282930  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.

    Jian Carlo R. Narag, MD

    2005-2017

%d bloggers like this: