Ikoy

Nag-aaway nanaman si Inay at Itay. Bakit lagi nalang silang nag-aaway? Nagbabatuhan ng plato, nagpapalitan ng mga salitang itinuro ni Padre na huwag sabihin, at nagsasabunutan?

Isang diyaryo ang nakalatag sa lapag ng aming tinutulugan. “Kalt hoks puls…” Sinubukan kong basahin… Mayroong mga numerong “2” at “0” na magkakadikit pagkatapos nito.

Kuya!

“Huwag mo nga akong istorbohin…” ang kanyang ungol.

Pabasa naman nito! Sige na, ikaw ang nakakabasa e!

“Pinapaalahanan ang mga mamamayan na maging maingat ngayong Pasko. Mag-ingat sa mga masasamang loob na….”

Ngunit hindi ko na nalaman ang sumunod pa; napunit ang sumusunod na pahina.

At nagpapatuloy pa rin ang alitan ng aking Inay at Itay.

Haay…

Ayaw kong makinig sa kanila… Ngunit kung kahit mga kapitbahay ay nabubulabog, paano pa kaya kaming pitong magkakapatid na ibinubukod mula sa alitan ng isang manipis na pader na kahoy?

“Ate,” ang sabi ko, “Bakit ba nag-aaway sina Inay at Itay?”

Ngunit walang sagot mula sa mga bibig ng aking ate. Nakapikit nalang siya, nagbibingi-bingihan. Hindi rin niya alam, tulad ko, kung ano nga ba ang nangyari.

Ako nga pala si Timoteo Reyes. Tawagin niyo nalang ako sa palayaw kong “Ikoy”. Nakatira ako kasama ng aking pamilya sa pagitan ng ilog at ng tulay na bato. Ang aking paboritong pagkain ay yaong binebenta ni Aling Marta tuwing Pasko, yung putong kinulayan ng lila na hindi naman mukhang puto. Ngunit para makakain ako ng ganoon, kailangan ko ng bente pesos. Kaya para makakuha ng bente pesos, pinagdaramit ako ni Itay ng gutay-gutay na damit at nilalagyan niya ng grasa ang mukha ko. Tapos, naglalakad akong nakayapak sa lansangan at humihingi ng pera. Minsan, madalang ang pagbigay. Minsan naman, kung mayroong okasyon, bigla nalang nagiging mabait ang mga tao at nagbibigay ng mga makulay na papel! Tulad ngayong Pasko, maraming taong nagbibigay tuwing sumusuot ako sa eskinita ng mga dyip at kumakatok sa mga malalamig na bintana ng mga kotse…

“Ako pa ngayon ang may kasalanan?”

“Oo! Kasi kung hindi dahil sa makitid mong pag-iisip, sana nasa probinsya pa tayo ngayon at hindi itinakwil ni Ama’t Ina!”

Sa dilim ng gabi, nagawa kong lumabas ng bahay. Naku! Kapag nalaman lang ito ni Inay! Naku! Lalo na kapag nalaman ito ni Itay! Tiyak na papaluin niya ako ng pawid na matigas! Ngunit mabilis lang… Isang sandali lang naman akong mawawala. Hindi naman siguro nila ako mahahalatang wala sa kwarto, ‘di ba?

Naglakad ako sa may pampang ng ilog. Kay sarap ng aking pakiramdam, kay liksi ng aking mga binti! Sa panahong ito ng taon, wala kang maaamoy na malansa mula sa ilog. Baka dahil ito sa lamig na dinadala ng panahon, o marahil ay mayroong okasyon kaya’t nililinis ng mga metro ang mga samu’t-saring bagay na nakalutang sa ibabaw ng tubig. Dito ako laging pumupunta pagkatapos ng mahabang araw ng paglalakad sa siyudad. Kung ikaw ay bababa sa pampang, mayroong puwang sa gitna ng nakasementong pampang. Kapag ikaw ay naroon, walang makakakita sa iyo! Iyon nga pala ang pinakapaborito kong lugar sa buong mundo.

Nakikita ko ang sinag ng buwan sa ibabaw ng tubig. Payapa ang gabi. Maswerte yata ako ngayon araw. Hindi kasi ako laging nakakapunta rito e. Mayroong mga araw na binabagyo at dahil sa taas ng tubig, ay hindi ako nakakadalaw rito. Tapos, isang beses ay muntik nang matuklasan ni Inay ang pinagtataguan ko! Buti nalang at pinili ko nalang ipakita ang sarili ko kaysa mahanap pa rito. Yun nga lang, palo ang inabot ko pag-uwi. Minsan naman, tulad ngayon, maswerte. Wala naman masyadong magagawa rito. Hindi ka nga pwedeng maglaro ng kahit ano rito e. Pwede ka lang manood sa araw na lumulubog tuwing dapithapon at panoorin ang pagsikat ng buwan. Sira siguro ipagpatuloy na itago ang kahibangang ito, pero kahit ilang palo man ang ihampas nila sa akin, hinding-hindi nila malalaman ang tungkol sa lugar na ito!

Naku! Mukhang napatagal yata ako rito!

Tumakbo ako pauwi. Parang isang mahabang paglalakbay ang pagbalik sa aming bahay. Naging mabigat ang aking mga binti sa pag-uwi. Ang dating mahimbing na lamig ay naging tila mga kutsilyong tumatagos sa aking maliit na katawan. Ang amoy… ang mabahong amoy ay bumabalik muli sa aking gunita. Ang mga alaala ng araw at buwan at napalitan ng mga imahe ng karahasan.

Nang ako’y makabalik sa bahay, nakita ko hindi pa rin natatapos ang pagtatalo ng aking mga magulang.

“Nakikita mo ba itong anak mo! Siya rin ang dahilan kung bakit tayo naririto ngayon!”

“Huwag kang maghuhugas ng kamay Pilato! Kahit ikaw rin ay nagpaloko sa mga iyon!”

“At sino ba sa atin ang humikayat sa ating dalawa na sumapi sa relihiyong iyon? Na ipabinyag ang ating mga anak sa ngalan ng kanilang Panginoon?!”

“Ngunit sino ang mismong naglabas ng lahat ng ating pinag-ipunan nang kanyang marinig ang matamis na pangako ng pera mula sa… sa p***ng i**ng lider na iyon?”

Pumuslit ako, tulad ng isang magnanakaw na takot sa pagkakahuli, tungo sa aming kwarto. Humiga ako sa tabi ni ate, at pinakinggan na lamang ang kanyang mahinang pagtangis, na mula pa nang ako’y musmos ay naging awit na ng aking pagtulog.

Advertisements
Previous Post
Next Post
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    December 2007
    S M T W T F S
    « Nov   Feb »
     1
    2345678
    9101112131415
    16171819202122
    23242526272829
    3031  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.

    Jian Carlo R. Narag, MD

    2005-2017

%d bloggers like this: