Pangarap

Mainit noong araw na iyon sa may simbahan sa Quiapo. Napakaraming tao mula sa iba’t-ibang pook at lahing nagsama-sama sa iisang lugar sa iisang araw na iyon, nagtatawaran, nagpapalit-palit ng mga lulang paninda at nakikipagkalakalan sa mga namimiling nagmula rin sa mga malalayong pook ng Maynila at mga karatig na probinsya. Malapit na kasi ang Pasko’t maraming ipagreregaluhan. At saan pa bang makakamura ang isang karaniwang Pinoy kung hindi sa isang divisoria? At sa mga divisoria, walang hindi kilala kung hindi ang naroroon sa Quiapo. Mas mura kasi rito ang mga bilihin, kaysa sa mga malalaking mall na abot-langit ang mga presyo. Mainit nga lamang rito, at maraming masasamang-loob na lumiligid, ngunit saan pa nga ba makakamura ang isang karaniwang Pinoy?

Tanghali na noong matapos kami sa paglilibot. Nasa tapat kami ng simbahan. Nakita ko ang mga debotong paluhod na nagtutungo sa altar habang nagdarasal ng mga panalangin. Isang debotong matanda ay nilapitan ng isang batang nagbebenta ng sampaguita’t marahas na pinaalis ng ale. Nakita ko naman sa lilim ng tulay ang tatlong (o apat nga ba sa aking gunita?) batang may hawak-hawak na plastik. Buhat-buhat ko ang aming mga biniling regalo. Ang nanay ko nama’y abalang-abala sa pagpapara ng mga taksing mapili. Bakit nga ba ganoon na ngayon ang mga taksi? Tatanungin muna kung saan ka pupunta’t sasabihin kung maaari bang sumakay. At ang mas masaklap pa’y nalaman kong nagtatanong na mismo ang mga pasahero, tulad ng aleng nakaunahan kami sa pagsakay. Inagaw kasi niya ang taksi bago kami makalapit. Nakita ko na lamang siyang nakatingin sa amin habang hinahatid ng aming mga mata ang sinwerteng ale sa kanyang patutunguhan.

Matapos ng halos kalahating oras ng pagpapara, paghintay at paghahanap, nakapara rin kami sa wakas ng isang taksi. Sa kabutihang palad, kasiya-siya ang pagtanggap sa amin ng ginoong tsuper, hindi tulad ng ibang mainitin ang ulo’t nagmumura tuwing may makakasagupang dyip. Kinausap ng aking ina ang batang-batang drayber, “Para hindi tayo maloko.” sabi ni ina sa akin dati. Nakisali rin ako sa usapan nang hindi mainip ang aming mamang tsuper.

[Kuya] Jepoy ang kanyang pangalan. Taga-Tondo raw siya’t naninirahan kasama ang kanyang mga kapatid. Panganay siya sa kanilang anim na magkapatid at hindi nakapagtapos ng hayskul. Nang una kong makita ang kanyang mukha, tinantya kong nasa may dalawampung taong gulang pa lamang ang aming lingkod. Batang-bata pa nga kung tutuusin. Sa kabutihang palad ay wala naman sa kanilang pamilya ang naghihirap. Tanging makakain lamang sa araw-araw ang inaaalala ng mag-anak, at kung may matira man, ay edukasyon ng kanyang mga kapatid, ang susunod sa kanya’y mayroong pitong taong agwat at nagtratrabaho sa tindahan ng mani ng kanilang ina, na nagpapahinga sapagkat kakapanganak pa lamang, tuwing walang pasok sa paaralan. Ang kanyang dalawang kapatid namang babae’y nagbebenta ng sampaguita tuwing walang ginagawa sa bahay. Ang dati naman nilang bunso’y hindi pa makalakad sapagkat sanggol pa lamang.

Nagtuloy ang aming usapan hanggang makarating sa paksa ng Pasko. Nang aking itanong ang kanyang nais hilingin sa Pasko, ngumiti ang aming lingkod at sinabing: “Gusto kong magtrabaho sa Amerika.”.

“Bakit po?”

“E, kasi maraming pera roon e. At saka mas madali ang buhay roon. Kaso nga lang, hindi ako marunong mag-Ingles e, kaya’t inaaral ko sa mga kantang naririnig ko sa radyo.”

“Ano po’ng mga alam niyong sabihin sa Ingles?”

Naglinaw ang mga mata ni [Kuya] Jepoy. Marahil ay matagal na siyang naghihintay ng mga taong makikinig sa kanyang Ingles.

“Yo! Hey der ma’m ser! Were we goin’? Idradrayb you der. Wori don, me beri carepul. Let’s rak en rol. Redi? Op we go den.”

Hindi ko napigilang matawa sa aming lingkod. Ngunit dahil na rin sa paggalang ay iniwas kong matawa. Tiningnan ako ni Inay ng isang matalim na titig, na tilang nagsasabing “Itigil mo iyan!”.

Ipinagpatuloy ni [Kuya] Jepoy ang pagsasalita ng mga katagang Ingles, na halatang ikinuha mula sa radyo. Ipinaliwanag niya sa amin ang kanyang pangarap. Nais raw niyang magtungo sa Amerika upang iraos sa kahirapan ang kanyang pamilya. “At kung sweswertehin,” ika niya, “ay nais kong maging artista roon.”. Sinabi niya sa amin ang kanyang plano: Mag-iipon siya ng sapat na pera upang makarating roon. Mula roo’y magtratrabaho siya’t magtitipid hanggang makakuha ng sapat na salapi. At ang susunod ay ang kanyang pangarap na maging artista sa Hollywood.

Napaisip ako. Napakaraming kailangang pagdaanan upang makakuha ng pasaporte tungong Amerika. Nariyan rin ang mga manloloko’t masasamang-loob. At kung makarating man siya roo’y siguradong mahihirapan siyang mamuhay sa isang lugar na hindi pamilyar. Marahil ay magutom at magkasakit pa si Kuya sa kanyang gagawin. Tulad siya ng isang sisiw na hindi pa napipisa. Nakapalibot sa kanya ang isang baluting nagtatago sa kanya sa mga katotohanan ng buhay. Isang baluting isang araw ay mawawala. Isang sisiw na babasain ng ulan…

Nakarating na kami sa tapat ng aming bahay sa mga oras na iyon. Hapon na’t hindi pa kami nanananghalian. Ibinigay ko kay [Kuya] Jepoy ang bayad at nagpaalam siya’t lumisan.

Naghanda ng makakain si Inay. Nakaupo ako sa mesa’t hinain niya ang aming makakain, kaning tutong at malamig na munggo. Ngunit kung gutom nga nama’y kahit ano’y kakainin. Nang matapos kaming kumain, napunta ang aming usapan sa aming batang-batang draber kani-kanina lamang.

“Inay, sa tingin niyo po ba’y magkakatotoo ang mga pangarap ni Kuya?”

Advertisements
Next Post
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    December 2006
    S M T W T F S
    « Nov   Jan »
     12
    3456789
    10111213141516
    17181920212223
    24252627282930
    31  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.
    -Jian Narag, 2005-2017
%d bloggers like this: