Anong Buhay!

“Bakit pa kailangang mag-alay ng mga rosas sa patay, e patay na rin naman sila’t hindi nila maamoy ito, o hawakan man lamang, o makita man lamang?”

Hindi ko talaga maintindihan ang mga matatanda. Sabi nila’y praktikal dapat ang isang tao sa buhay, ngunit sila na mismo ang kumakalaban sa kanilang mga sarili tuwing nag-aalay sila ng mga bulaklak sa mga yumao, o di kaya’y naniniwala sa mga diyus-diyusan na nagdudulot ng labis na pighati tuwing makakabangga nito ang diyus-diyusan ng iba. Bakit nga ba nag-aalay ang tao sa wala? Bakit pa siya lumalaban sa agos kung sasapitin pa rin niya’y ang puntod?

“Anak, naaalala mo pa ba ang iyong Lola Corazon?”

“Hindi po Inay.”

“Siya ang umakay sa iyo noong kakapanganak ko lamang sa iyo. Hindi mo ba natatandaan, pinagkakaguluhan ka pa nga ng mga nars doon sa labis na panggigigil? At naroon rin ang Lolo mo. Sayang at hindi mo pa siya inabutan.”

“Ano po bang klaseng tao si Lolo?”

“Ang Lolo mo? Hmm… Hindi siya palasalita, tahimik lamang at napakatalino, tulad mo.”

Tulad ko…

“Katulad ba siya ni Itay? Sa inyo nina Tito’t Tita, ang ibig kong sabihin.”

“Ay oo… Natatandaan ko pa noong mga bata pa lamang kaming magkakapatid. Ang Lola mo ang estrikta sa kanilang dalawa. Konserbatibo. Bawal ang ligawan, dapat umuwi bago mag alas-sais, at bawal muna ang magkarelasyon. Ngunit ang Lolo mo’y pilyo. Naaalala ko pa noong tinamad akong pumasok sa paaralan, sinabi niya: ‘Sige, sige. Magsilundag-lundag ka sa kama para uminit ang katawan mo. Tapos, humiga ka’t tatawagin ko ang iyong Ina. Humiga ka’t magpanggap na maysakit…’ at matapos na iyo’y gawin ay pumunta kami sa sinehan at nanood ng isang pelikula! Ngunit tulad rin ng Itay, mahigpit siya sa amin. Kung tutuusin, mas mahigpit pa siya kaysa sa Lola mo.”

Naging bata rin pala ang mga matatanda. Akala ko’y ipinanganak na silang ganoon. Ibig sabihin ba nito’y matutulad ako sa kanila sa aking paglaki? Naku, ayaw ko sanang mangyari sa akin iyon. Nais ko’y manatiling ganito, kuntento sa paglalaro kasama nina Jom at Ricky sa amin. Nais ko’y manatiling bata’t alagaan ni Ina, at paminsan-minsa’y sumakay sa mga balikat ni Itay. Ngunit, sa pagdaan ng panahon, napansin kong binigyan ako ng kalayaan ni Inay, at isang beses ay narinig kong sabihin ni Itay na masyado na akong malaki para pasanin. Naku! Tumatanda na ako, tulad ni Kuya, tulad ni Itay at Inay, tulad ni Lolo’t Lola! Ngunit saan napupunta ang mga matatandang tumatanda? Sa langit daw, sabi ni Inay. Ngunit bakit narito pa sila’t inaalayan ng mga bulaklak at ipinagsisindihan ng mga kandila?

“Anak, sina Lolo’t Lola.”

Nasaan? Kaharap ko’y mga puntod lamang na tinubuan ng damo. Ang mga puntod na batong ito’y aking Lolo’t Lola? Kung sa gayon, hindi ko sila kamukha. Hindi kasi ako isang bato. Kaya’t minarapat kong itanong kay Inay:

“Nasaan po?”

“Narito.” Itinuro niya kung saan.

“Sa lupa?”

“Sa ilalim nito. Naroon ka noong libing ni Lola hindi ba? Akay-akay kita’t may hawak kang puting rosas.”

Si Lola pala iyon… Bakit siya nasa ilalim ng lupa? Akala ko ba’y nasa “langit” siya?

“Inay, hindi ba’t nasa langit na sina Lolo’t Lola?”

“Oo anak.”

Sabi ko na nga ba! Ngunit, kung nasa langit sila (kung saan man iyon), bakit kami nag-aalay sa mga batong ito? Isang kahibangan… Tumungo pa kami rito mula Maynila para lamang mag-alay ng mga bulaklak sa mga batong may ukit na ngalan nina Lolo’t Lola at mga numerong hindi ko maintindihan. Sana hindi na lang kami umalis nang hindi pa kami naperwisyo sa paglalakbay, ngunit sadyang nakalilito ang mga nasa isip ng mga matatanda.

“Bakit po tayo nag-aalay ng mga rosas?”

Hindi sumagot si Inay. Kumunot ang kanyang mukha. Wari’y nag-iisip nang malalim. Naku, wala yata siyang maisasagot sa pagkakataong ito…

“Dahil mahal natin siya.”

Mahal? Bakit niya laging ginagamit ang salitang ito sa tuwing wala siyang maisagot? Sabi niyang “mahal” niya ako noong ako’y pinagsabihan at nagtampo, sinabi niyang “mahal” niya ako tuwing papatulugin akong maaga kahit ayaw ko pa at humingi ako ng dahilan, sinabi niyang “mahal” niya ako nang minsa’y paluin niya ako dahil nakipag-away ako kay Bunso.

“Ano po ba ang ‘mahal’?”

Niyakap ako ni Inay, hinagkan at sinabing iyon ang pagmamahal, at marami pang bagay. Hindi ko alam. Siguro’y bata pa talaga ako para maintindihan ang kanyang ibig sabihin. At kung hindi matalos ni Inay sa kanyang gulang ang ibig sabihin ng “mahal”, ako pa kaya na walang naiintindihan? Alam kaya nina Lolo’t Lola ang ibig sabihin nito? Kung maaari lamang silang bumalik mula sa “langit” na iyon, itatanong ko sa kanila.

“Halika Inay, pumunta tayo sa langit!”

Ngumiti si Inay, inakay ako’t sinabing magpaalam na raw kina Lolo’t Lola. Hindi na ako lumaban pa’t nagpaalam na lamang sa mga batong nasa harapan ko.

Papunta na kami kina Itay ngayon, at aalayan raw din namin ng puting rosas. Si Inay talaga, hindi ba’t lalaki dapat ang nagbibigay ng rosas?

Advertisements
Next Post
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    November 2006
    S M T W T F S
    « Oct   Dec »
     1234
    567891011
    12131415161718
    19202122232425
    2627282930  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.
    -Jian Narag, 2005-2017
%d bloggers like this: