Ang Una Kong Pag-ibig

Mahigit apat na oras na mula nang lumakad ang dyip na sinasakyan ni Tonyo at ng kanyang pamilya. Tulad ng nakararami, isa ang pamilya niya sa libo-libong nakikipagsapalaran sa agos ng buhay. Payat at nanghihikahos si Tonyo bagamat nakakaraos naman ang kanyang pamilya sa pang-araw-araw na pamumuhay at siya’y nakakapag-aral kahit papaano sa isang pampublikong paaralan, ilang kilometrong layo man ang kanyang lakarin araw-araw.

Bang!

Huminto na lamang bigla ang dyip na pumapasan kay Tonyo.

“Paumanhin po” ani tsuper “Ngunit matatagalan ako bago ito maisaayos. Kaunting hintay lamang po…”

Pinababa ng tsuper ang mga pasaherong pasan ng kanyang lumang dyip, isang makulay at pinagandang vintage trak na kaloob ng mga lumisang Amerikano. “1945” ang nakaukit sa gawing likuran ng nasabing dyip.

Ngayon lamang nakita ni Tonyo sa mahigit na apat na oras ng paglalakbay ang kanyang nilakbayan. Hindi na niya matanaw ang baryong kanyang nilisan para sa isang mabuting kinabukasan. Inumit niya ang kanyang kanyang katawan at huminga ng malalim. Dumighay siya at hinaplos ang kanyang mga matang pagod mula sa paglalakbay. Pasan niya sa kanyang mga kamay ay isang pasong tinutubuan ng isang batang punong mangga, ang tanging alaala ng kanyang baryo mula nang sila’y umalis.

++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++

“Anak, gumising ka na. Pag-igiban mo ng tubig panligo ang sarili mo’t maghanda ka na. Sige na’t baka mahuli ka pa sa unang araw ng pasok!”

Hindi matambalan ang pananabik ni Tonyong pumasok sa unang araw sa paaralan. Palibhasa’y ito nga ang una niyang araw sa paaralan, at ito ang una niyang taon sa mababang baitang. Mabilis niyang sinunod ang bilin ni ina’t naligo’t naghanda’t parang kidlat ay nauna pa kay Inay sa mabatong daan tungong eskwela. Kinailangan nga muna nilang tumawid sa may kahuyan, kung saan maputik ang daan dahil sa nakaraang bagyo. Nadungisan ang kalinisang kanina lamang ay taglay ng mag-ina. Kapansin-pansin ang pagkainis ni Inay sa sinapit nila sa may kahuyan, ngunit ang damdaming ito’y naparam sa pananabik ni Tonyong pumasok. Binagtas ng mag-ina ang natitira pang kilometro bago makarating sa paaralan.

“Anak, maiwan na kita rito ha. Susunduin kita mamayang dapithapon.” sabay punas sa noo ng makulit na Tonyo, “At narito ang baunan mo” sabay bigay sa baong nakabalot sa dahon ng saging, “At wag kang magpapagod anak, at wag kang lalayo rito…”

Matapos ang mahabang mantra ng kanyang butihing Ina’y tumakbo si Tonyo patungong paaralan. Hinatid siya sa tingin ng kanyang Ina at saka’y sinimulan ang mahabang daang pauwi sa kanila.

Nakarating si Tonyo sa klase sa takdang panahon. Hindi maipinta ang pananabik sa kanyang mukha, isang mukhang maihahalintulad sa isang musmos na natutong maglakad, o di kaya’y natutuhan kung paano sumakay ng isang bisikleta. Sa unang tingin, ang paaralang ito’y salat para sa mga matang mulat sa mga katotohanan ng buhay. Basag ang mga bintana, sira ang dingding na umiinit sa tag-init at tinutuluan ng tubig sa pagdaan ng unos, ang mga pader nama’y tila magigiba na’t mahuhulog sa mga malas na kaluluwang napapaloob sa silid kung ito ma’y mangyari, malamok, makati, mainit… Ngunit ang lahat ng ito’y napakaganda sa mga mata ni Tonyo. Ito ang kanyang kastilyo, ang kanyang bagong kanlungan.

Dahil likas na mahiyain ay minabuti na lamang ni Tonyong manood sa mga batang naglalaro sa labas, sa ilalim ng isang patpat na nagpupugay ng isang watawat na nakasabit. Hindi pamilyar ang mga mukhang kanyang nakita, palibhasa’y siya lamang ang taga-kanila na naroroon. Naaalala pa niya ang panghahamak na ginawa sa kanya ng mga kapitbahay: “Huwag niyo na pag-aralin ‘yan! Wala namang makukuha ‘yan sa sistema ngayon! Hus! Tingnan mo ang anak kong si Impo, ni hindi nakapag-aral pero mahusay na magsasaka ngayon!”, “Ipag-aaral niyo siya? Naku, wag na. Sayang lamang ang perang igagastos niyo sa kanya! Mabuti pang ipangpuhunan niyo na lang ‘yan para sa susunod sa pag-aani.”. Nakita niya sa kanyang mga mata kanina lamang ang mga tingin ng mga kapitbahay. Mapanghamak at wari’y naiinis. Nalungkot si Tonyo. Hindi kasi niya maintindihan ang mga matatanda. Palibhasa’y ganyan lamang talaga sila. Puro na lamang mga “matatandang” bagay ang mga iniintindi.

Nasira ang paggunita ni Tonyo nang magsimula na ang klase. Pinapapasok na kasi ng isang binibini, batang-bata pa at kakikitaan ng gandang tulad ng isang ligaw na rosas, “na kung sa unang tingin ay babaliwalain ngunit kung titingnan nang mabuti’y makikita ang tunay na ganda”, ang mga batang magiging kaklase niya. Nanumbalik sa kanyang mga mata ang dating sigla ng musmos.

“Magandang umaga mga bata.” ani ng binibini, “Ako ang inyong magiging guro para sa taong ito. Ang aking pangalan ay Bb. Anna.”

“Magandang umaga po Binibining Anna!” sabay-sabay na hiyaw ng mga bata.

“Ay! Magandang umaga po Binibining Anna!” pahuli namang pahabol ni Tonyo.

Natawa ang klase. Namulang tulad ng isang hinog na kamatis si Tonyo. Mainit ang kanyang pakiramdam. Tumulo ang isang butil ng pawis mula sa kanyang noo. Minabuti ng gurong patahimikin ang kanyang mga kaklase. Alam kasi niyang bago si Tonyo sa kanyang klase. Pinaupo niya ang mga bata’t sinimulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakilala ng sarili. Tumayo ang mga kaklase ni Tonyo’t nagpakilala: “Jordan, Crishella, Hesus, Lino, Ado, Kristina…” Nang makarating kay Tonyo’y may kaunti pang pag-aalinlangang magpakilala si Tonyo, kung hindi lamang sa pag-alok ni Bb. Anna sa kanyang magpakilala.

Matapos ng pagpapakilala’y pormal na nagsimula ang klase. Ipinakilala sa kanila ni Bb. Anna ang mundo ng agham, matematika, literatura, kasaysayan at mga mabubuting gawa. Ganito ang sitwasyon sa mga paaralang pampubliko, ang guro mismo’y nagtuturo sa lahat ng larangan. Sa ganitong paraan ay maaaring mababang dekalidad ng edukasyon ang matanggap ng mga estudyante. Ngunit hindi sa kaso ni Bb. Anna. Mahusay at kay galing ng kanyang pamamaraan. Hindi siya tulad ng ibang gurong nagtuturo lamang para maghanapbuhay. Nasa kanyang mga mata ang apoy ng mga bayani, ng isang tunay na nagmamahal. Nagtapos ang klase noong dapithapon, at sinundo si Tonyo ni Ina.

“Kamusta ang araw anak?” tanong ni Ina.

“Masaya po!” tugon ni Tonyo.

Kinabukasan, nagtungo nang mag-isa si Tonyo sa paaralan. Alam na niya ang daan patungo roon. Binagtas niya muli ang mabatong daan patungong paaralan. Ngunit ang mahabang paglakad na ito’y hindi niya pinansin. Hindi niya maintindihan, ngunit sa bawat hakbang na kanyang gawin ay nawawala ang bigat ng katawang kanyang pinapasan. Hindi rin niya pinapansin kung minsa’y makatapak siya ng isang batong ang sakit ay tumagos sa kanyang mga tsinelas. Kung bakit ay hindi ko alam.

Nakarating si Tonyo sa paaralan. Nakita niya si Bb. Anna sa silid-aralan. Hindi pa pala nagsisimula ang klase.

“O, Tonyo, bakit ka naririto’t maaga pa?” pakikisuyo ng guro.

Namula si Tonyo. Nakaramdam siya ng kaba sa kanyang sasabihin.

“Opo ma’am!”

Napangiti ang guro.

“Nakakatuwa kang bata. Bakit hindi ka muna lumabas at makipagkilala sa mga kamag-aral mo? Mamaya pa magsisimula ang klase.”

Lumabas si Tonyo. Hinaplos niya ang kanyang dibdib. Kumakabog. Dumadagundong. Hindi niya maintindihan kung bakit. Umupo siya sa isang bangko sa tabi at nanood na lamang sa mga kamag-aral hanggang magsimula ang klase.

Tinalakay ni Bb. Anna sa araw na iyon ang agham at matematika. Naging aktibo sa talakayan si Tonyo. Bawat tanong ng guro’y sinasagot, at bawat puwang naman ay iniisip niya si Bb. Anna: “Tulad siya ni Ina, mabuting tao at masayang kasama. Hindi siya tulad ng mga matatanda. Tulad siya ni Ina…”

Lumipas ang mga araw at ipinagpatuloy ni Tonyo ang kanyang mga araw sa unang baitang. Minsa’y siningitan niya ng isang bulaklak ang libro ni Ma’am. Gayon na lamang ang paghiyaw ng klase nang madiskubre ito. Minsa’y tinutulungan rin niya si Ma’am na magbuhat ng mga libro. Noong una’y napagbintangan siyang “sipsip”, ngunit nang lumao’y panay kantsyaw na ang kanyang tinanggap. Minsan naman ay kumain siya kasama si Ma’am sa silid-aralan habang naghihintay ng ikalawang bahagi ng araw. Inabot niya minsan ang isang tuyong pabaon ni Ina sa kay Ma’am. Lalong kinantsyaw si Tonyo, ngunit naging tahimik lamang siya. Ayaw niya kasing magmadali.

Kakauwi lamang ni Tonyo matapos ang isang masayang araw kasama si Ma’am nang nauliningan siya sa pag-uusap ng kanyang mga magulang.

“Sinang, hindi na tayo maaaring lumagi rito. Lumalaki na ang anak natin. Kailangan nating isipin ang kanyang kinabukasan.”

“Ano ang maaari nating gawin?”

“Balak ko sanang lumuwas tayo sa Maynila. Maraming trabaho roon Sinang. Makakaraos tayo roon!”

“Hindi!”

Ang tinig na ito’y nagmula kay Tonyo, lumuluha at namumula. Tumakbo siya palabas at binagtas ang layo ng paaralan. Ang sinag ng buwan ay sapat na upang makarating siya sa kanyang kanlungan. Naroon pa si Bb. Anna, nangwawasto ng mga pagsusulit. Nakita siya ni Tonyo’t tumakbo patungo sa kanya.

“Tonyo? Bakit ka naririto sa ganitong oras ng gabi?”

Ngunit luha na lamang ang maaaring isagot ni Tonyo. At nahimlay siya sa yakap ni Ma’am, at tuluyang nawalan ng gunita.

++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++++

“Sakay na po kayo! Naiayos na po ang dyip!” may pagmamalaking pagpapahayag ng tsuper.

Muling sumakay sa dyip ang mga pasahero. Bago sumakay, isang huling tingin ang ibinaling ni Tonyo sa direksyon ng kanyang nilisang baryo. At matapos nito’y tuluyang isinuko ang hinaharap sa pagsakay sa dyip patungong Maynila. Ngunit hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang isang pasong tinutubuan ng punong mangga. Bigay ni Ma’am nang hindi siya malungkot sa pagbiyahe.

Advertisements
Previous Post
Next Post
Leave a comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Calendar

    November 2006
    S M T W T F S
    « Oct   Dec »
     1234
    567891011
    12131415161718
    19202122232425
    2627282930  
  • Archives

  • Categories

  • Oliman

    For people who love to think.

    Jian Carlo R. Narag, MD

    2005-2017

%d bloggers like this: